Hepe ng pulisya sa Surigao del Sur, pinatay ng sariling tauhan
BUTUAN CITY – Dead on arrival ang chief of police ng Bayabas, Surigao del Sur matapos itong barilin ng sariling kasamahan kaninang hapon sa loob mismo ng Bayabas Municipal Station sa Bayabas, Surigao del Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Butuan kay P/Supt. Martin Gamba, public information officer ng PRO-13, kinilala nito ang biktima na si Insp. Edgar Dico, hepe ng police station, samantalang ang suspek ay natukoy na si PO3 Lord Anthony Lerin na sugatan din.
Sa inisyal na imbestigasyon, isinugod pa sa Adela Serra Ty Memorial Medical Center sa Tandag City ang hepe makaraan ang pangyayari ngunit idineklara itong patay ng attending physician.
Sinasabing may dalang M16 armalite rifle ang opisyal, habang gamit naman ni Lerin ang kanyang service firearm na kalibre .45.
Patuloy pang inaalam ng mga imbestigador ang dahilan o pinag-ugatan ng naturang krimen, pero lumalabas na merong hindi pagkakaunawaan ang dalawa.